2 kulong sa baril at P102K shabu sa Valenzuela

2 kulong sa baril at P102K shabu sa Valenzuela

January 21, 2022 @ 1:13 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Kulungan ang bagsak ng dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga, kabilang ang isang miyembro ng “Rodriguez Drug Group” matapos makuhanan ng baril at mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Valenzuela City.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy-bust operation sa 13 A Malinis St., Brgy., Lawang Bato.

Nagawang makipagtransaksyon ni PCpl Jocem Dela Rosa na nagpanggap na buyer sa kanilang target na si Ariel Alejo alyas “Aying”, 44, nakatira sa naturang lugar, ng P8,000 halaga ng shabu.

Nang matanggap ang pre-arranged signal mula kay PCpl Dela Rosa na hudyat na nakabili na sya ng shabu sa suspek ay agad lumapit ang back-up na si PSSg Luis Alojacin saka inaresto nila si Alejo.

Narekober kay Alejo ang tinatayang nasa 10 gramo ng shabu na may standard drug price P68,000, marked money na isang tunay na P500 bill, isang P500 at pitong P1,000 boodle money, P350 cash, cellphone at coin purse.

Nauna rito, ala-1:30 ng gabi nang madakma din ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Makipot St., Brgy., Malinta si Julio Padua Jr., 49, miyembro ng “Rodriguez Drug Group” at residente ng Malabon City.

Nakuha sa kanya ang tinatayang nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P34,000, isang cal. 22 revolver na kargado ng dalawang bala, P500 marked money, P500 cash at cellphone.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang dagdag na kasong paglabag sa RA 10591in relation to Batas Pambansa Bilang 881(Omnibus Election Code of the Philippines) kahaharapin ni Padua. R.A Marquez