2 kulong sa P340K shabu sa P’que buy-bust

2 kulong sa P340K shabu sa P’que buy-bust

January 26, 2022 @ 7:11 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga miyembro ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DDEU-SPD) na nagresulta ng pagkakaaresto ng dalawang hinihinalang drug pushers na nakumpiskahan ng P340,000 halaga ng shabu Martes ng gabi (Enero 25).

Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang mga arestadong suspects na sina Kennedy Balan, 25, residente ng 3361 Kabesang Cillo Street at Maynard Delos Santos, 25, ng 3299 Kabesang Cillo St., Barangay Tambo, Paranaque City.

Base sa report na natanggap ni Macaraeg, naging matagumpay ang isinagawang buy-bust operation laban sa mga suspects dakong 8:55 ng gabi sa bahay ni Delos Santos sa 3299 Kabesang Cillo, Barangay Tambo, Paranaque City.

Nauna dito ay nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang DDEU tungkol sa ilegal na aktibidad ng mga suspects kung saan isinailalim ang mga ito sa isang linggong surveillance operation.

Matapos magpositibo sa surveillance operation ang mga suspects na pinanggagalingan ng shabu Barangay Tambo ay agad na nagkasa ng buy-bust operation ang DDEU na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspects.

Sa naturang operasyon ay nakarekober ang mga operatiba ng DDEU ng 11 plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000 at ang P500 na ginamit sa naturang buy-bust operation.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 o illegal possession of prohibited drugs ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa SPD custodial facility. (James I. Catapusan)