2 lalaki bugbog-sarado sa tangkang pagdukot sa batang babae

2 lalaki bugbog-sarado sa tangkang pagdukot sa batang babae

August 23, 2022 @ 2:20 PM 1 month ago


LAGUNA- Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang na may mga anak na babae na maging alerto at tutukan ang lahat ng kanilang aktibidad lalo na ngayon pasukan ng klase para maiwasan na maging isa sa mga biktima ng mga nagaganap na pagdukot sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa Barangay Malamig, Biñan City, Laguna noong Sabado masuwerteng nakaligtas ang isang batang babae mula sa mga umano’y kidnapper matapos magsisigaw at nakahingi ng tulong .

Kuwento ng dalagita, naglalakad siya papuntang gate ng bigla na lamang sumulpot ang dalawang lalaki at pilit siyang hinila ng mga ito habang ang isa naman ay nagsilbing lookout.

Agad naman narinig ng mga magulang ng bata ang sigaw ng kanilang anak kaya naabutan nila ang suspek at mabilis na tumakbo patakas.

Subalit, hindi umobra ang bilis ng takbo ng dalawang suspek at nakorner sila ng mga residente at pinagtulungan bugbugin habang nakatakas ang isa nilang kasama.

Rumesponde naman ang awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at binitbit ang mga suspek sa himpilan ng pulisya na mga maga ang mga mata at katawan.

Sinampahan na ng kasong forcible abduction ang mga suspek habang tugis ang isa pa nilang kasama. Mary Anne Sapico