2 lalaking pipi at bingi tiklo sa panghoholdap

2 lalaking pipi at bingi tiklo sa panghoholdap

October 5, 2022 @ 5:08 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Himas-rehas ngayon ang dalawang lalaki na kapwa pipi at bingi matapos na holdapin ng mga ito ang isang construction worker at kunin ang cellphone kaninang madaling araw, Oktubre 5 sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) PBGEN Nicolas Torre III ang mga nadakip na sina Adrian Buanviaje, 29 anyos, residente ng Brgy. Payatas, Q.C. at Cristopher Balmores, 35, nakatira sa Bagong Silang, Camarin, Caloocan City.

Ayon kay Batasan Police Station 6 commander PLTCOL Morgan Aguilar, pasado alas-3 ng madaling araw nang kanilang maaresto ang mga suspek.

Kwento ng biktimang tumanggi nang magpakilala, naglalakad siya sa Barangay Commonwealth nang dumating ang mga suspek na nakasakay sa motorsiklo.

Agad umano siyang tinutukan ng patalim ng dalawa at pwersahan na kinuha ang cellphone ng biktima.

Mabilis naman na nagsumbong ang biktima sa mga barangay tanod at mga pulis na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga suspek makaraan hindi na umandar ang motorsiklo ng mga ito.

“Buti na lang naabutan, kasi hindi umaandar ang motor ng mga suspek at napag-alaman din natin na kapwa nakainom ang dalawa” saad ni Aguilar.

Kinailangan pa mga otoridad na humingi ng tulong sa isang sign-language interpreter upang maipaabot sa mga suspek ang kanilang mga karapatan kaugnay nang pagkakaaresto sa kanila.

Nabatid na ang naturang interpreter ay naging guro pa ng mga suspek sa SPED kaya’t natukoy na deaf and mute sila.

Nakapiit na ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong robbery holdup sa piskalya. Jan Sinocruz