2 lalaking sumalisi sa doktor, arestado sa Maynila

2 lalaking sumalisi sa doktor, arestado sa Maynila

February 1, 2023 @ 7:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Himas rehas ang dalawang kalalakihan nang arestuhin ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa magkakahiwalay na lugar makaraang masalisihan ang isang 28-anyos na doktor sa University of Santo Tomas (UST) Hospital sa Sampaloc, Maynila.

Batay sa ulat kay P/Maj. Edward Samonte, hepe ng SMaRT, nagtungo sa kanilang tanggapan ang biktimang si Paolo Larrazabal, binata, isang physician at residente sa Ermita, Maynila makaraang masalisihan ng mga suspek sa loob ng UST Hospital dakong alas 9:38 ng gabi nitong Lunes, Enero 30.

Dahil dito, agad nagsagawa ng “back tracking” ang mga awtoridad sa pamamagitan ng mga kuha sa CCTV camera kung saan namataan ang suspek.

Sa isinagawang imbestigasyon, bukod sa Apple iPhone 11 na kulay gray na nagkakahalagang P80,000, isang MacBook Pro 13 inches na kulay space gray na nagkakahalagang P90,000, nakuha din umano ng mga suspek ang Samsung AJ cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P10,000.

Agad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na si Andrian Sabido y Perez, alyas Ryan, 39, may-asawa, cellphone technician, ng Bicol Street, Payatas, Quezon City. Matapos nito ay nadakip din ang kanyang kasabwat sa isinagawang follow-up operation na kinilalang si Joemar Teodoro y Dialde, 31, cellphone technician, at residente ng Unit 516, Bldg 14, Permanent Housing Barangay 128 Balut, Tondo, Manila.

Nabatid sa imbestigasyon na nalimas din ang e-wallet (GCash) ng biktima na nagkakahalaga sa P46,000 cash.

Dahil dito, matapos mapag-aralan ng mga awtoridad, tinungo ang isang gasolinahan sa Quezon City at doon nakita ang plate number ng kotse, na ginamit ng isa sa mga suspek, matapos na maberipika sa LTO.

Ginamit umano ang GCash ng biktima ng isang alyas “Macmac” sa isang appliance center sa mall, bago naman nagpakarga ng gasolina ang isang suspek sa halagang P6,600.

Nasakote naman ang suspek na nagpakarga ng gasolina gamit ang GCash batay sa impormasyong nakalap at nabawi ang iPhone 11 ng biktima rito.

Ininguso naman nito ang kasabwat nito na nasa Payatas, QC habang patuloy na tinutugis ang dalawa pang suspek na may alyas Macmac at Umpong na sangkot umano sa paggamit ng GCash wallet ng doktor.

Ang dalawang nahuling suspek ay pawang mahaharap sa paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code (RPC) sa theft at RA (Republic Act 8484) o Access Devices Regulatory Act of 1998, at Anti-Fencing Law. JAY Reyes