2 lider ng NPA patay sa Northern Samar

2 lider ng NPA patay sa Northern Samar

December 3, 2022 @ 2:56 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang dalawang top leader ng komunistang grupo na New People’s Army (NPA) sa nangyaring bakbakan sa bulubunduking bahagi ng Las Navas, Northern Samar.

Ito ang sinabi ni Philippine Army Capt. Ryan Layug, 8th Infantry Division spokesperson, kung saan kabilang sa mga tinukoy na nasawi ay sina Helenita Pardales, “Elay” “Selin”, at iba pang alyas “Biboy” o “Orlan”, “Mamoy”, “Caridad”, “Joshua”, at isang alyas “Boy”.

Ayon kay Layug, si Pardales ang itinuturing na top rebel leader ng Eastern Visayas at may posisyong Secretary ng Eastern Visayas Regional Party Committee ng NPA.

Itinuturo rin si Pardales na nasa likod ng di-umano ay paglalagay ng recruitment quota sa anak ng mga magsasaka at mga cadre mula sa unibersidad at kolehiyo.

Samantala, si alyas “Biboy” o “Orlan” naman ang itinuturong namumuno sa regional operations command at matagumpay sa pagpapatupad ng mga opensiba ng NPA sa rehiyon.

Ayon kay Layug, ang Eastern Visayas Regional Party Committee ang nasa likod ng mga pag-atake sa rehiyon katulad na lamang ng nangyari noong Agosto 2018 sa Lapinig Police Station sa Northern Samar kung saan dalawang pulis ang nasaktan.

Dagdag pa, inaakusahan din ang grupo na nasa likod ng pagpatay sa isang sundalo noong Mayo 21, 2019 sa Palapag, Northern Samar at pagkamatay ng dalawa ring sundalo noong Oktubre 7 ng taong kasalukuyan. RNT/JGC