2 LPA sa labas ng PAR binabantayan ng PAGASA

2 LPA sa labas ng PAR binabantayan ng PAGASA

September 22, 2022 @ 6:42 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Binabantayan ng state weather bureau PAGASA nitong Huwebes ang isang low pressure area sa labas ng Philippine Area of ​​Responsibility (PAR).

Sa pinakahuling 24-hour public weather forecast, sinabi ng PAGASA na huling namataan ang tropical cyclone sa layong 1,775 km silangan hilagang-silangan ng extreme northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kph.

Sinabi ni PAGASA na kumikilos ang tropical cyclone ng 25 kph pahilagang-kanluran o patungo sa Japan, na nangangahulugang wala pa itong epekto sa lagay ng panahon sa bansa.

Sa kabilang banda, isa pang low pressure area sa layong 1,265 km silangan ng central Luzon ang binabantayan ng PAGASA. Hindi ito direktang makakaapekto sa lagay ng panahon sa Pilipinas sa Huwebes, at inaasahang mananatiling malapit sa mga linya ng PAR sa susunod na 24 oras.

Pero ibinabala ng PAGASA na lalapit ito sa extreme Luzon sa weekend at posibleng magpaulan sa Silangang parte ng bansa kabilang ang Calabarzon, Bicol Region, at sa Visayas.

Posilbe rin itong maging tropical depression, kung saan tatawagin itong Karding.

Patuloy namang makaaapekto ang habagat sa kanlurang bahagi ng central at southern Luzon sa Huwebes, sabi ng PAGASA.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay malamang na makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa habagat o localized thunderstorms, ayon sa state weather bureau. RNT