2 LTO execs pinakakasuhan sa maanomalyang bidding ng plaka

2 LTO execs pinakakasuhan sa maanomalyang bidding ng plaka

February 18, 2022 @ 9:12 AM 4 months ago


Manila, Philippines-Hiniling ng dalawang kompanya na kapwa supplier ng mga plaka sa bansa kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang rekomendasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission laban sa dalawang opisyal ng Land Transportation Office ukol sa maanomalyang bidding ng plaka.

Sa limang pahinang report ng PACC kay Pangulong Duterte, inirekomenda nito na tanggalin sa serbisyo sina LTO chief Asec. Edgar Galvante at Executive Director Romeo Vera Cruz, pinuno ng Bids and Award Committe ng LTO dahil sa kasong graft and corruption ukol umano sa maanomalyang bidding sa plaka ng motorsiklo.

“That an order be issued by the President dismissing from office Gen. (Ret.) Edgar C. Galvante and Atty. Romeo G. Vera Cruz for the perpetration of a grave administrative offense under Section 50 Par. (8), Rule 10 of the 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, and endorse the filing of criminal cases against them before the Office of the Ombudsman for violation of  the “Anti- Graft and Corrupt Practices Act”, ayon sa limang pahinang report na pirmado ni PACC Chairman Greco Belgica nitong Mayo 2021.

Idinagdag pa ni Belgica na malinaw sa kanilang imbestigasyon na nagkaroon ng anomalya sa bidding kaya nararapat lang na matanggal sa pwesto ang mga nasabing opisyal.

Hiniling naman ng dalawang kompanyang Erich Utsch AG at J. Knieriem BV, kapwa international supplier ng plaka ng motorsiklo sa bansa, na agad ipatupad ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng tanggapan ni Belgica para mapigilan ang panibagong “maanomalyang” bidding sa LTO na sisimulan ngayong Pebrero 23.

Kamakalawa ay nanawagan sa Senado ang dalawang kompanya na ipatigil ang bidding.

Binanggit nila na maanomalya ang bidding dahil ang mga opisyal na sangkot sa bidding ay siya ring pinakakasuhan ng Senado dahil sa katulad na maanomalyang transaksyon.

“In line with this, may we request for your assistance to urgently hold and/or cancel this bidding first and allow the processing of cases be filed against the present BAC Chairman and HOPE of LTO as the Senate blue ribbon recommended,” ayon sa isang pahinang liham.

“They are still the same people behind the LTO administration now, so where is the logic of having them handle this same bidding by these corrupt people and pocketing tax payer’s money for their own gain before they leave their post,” dagdag pa nila.

Kinuwestiyon din nila na kadalasang ginagawa ang bidding sa naturang ahensya tuwing Setyembre ng taon pero ngayon ay tila minadali kung kailan paalis na sa pwesto ang mga naturang opisyal dahil sa papalapit na halalan.

Nanawagan din ang grupo sa mga senador na palitan muna ang mga opisyal na sangkot sa naturang anomalya bago muling magpatawag ng nasabing bidding.

“We hope that the said OMS be replaced first with the new one that is not provided by Trojan as it is again obviously intended for Trojan to be the sole bidder for this P540M project,” sabi pa sa liham. RNT