2 magnanakaw ng kable timbog; improvised gun nakumpiska

2 magnanakaw ng kable timbog; improvised gun nakumpiska

March 5, 2023 @ 4:05 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – NADAKIP ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang katao matapos na mahuli sa akto habang pinuputol ang cable wires, kahapon sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III ang mga naaresto na si Jerome Justine Delos Reyes, 19 anyos, residente ng Brgy. San Agustin, Q.C. at isang 16 taong gulang na binatilyo na nakatira sa Barangay Kaligayahan, Q.C.

Ayon kay District Special and Operations Unit (DSOU) Chief, PLTCOL Rolando Lorenzo pasado 12 ng tanghali (March 4) nang makita nila ang mga suspek na pinuputol ang kable sa kahabaan ng Atis St. Greenfields 1 Subd., Brgy. Kaligayahan, Q.C.

Agad na sinita ng mga operatiba ang dalawa at hiningihan ng dokumento kung otorisado ang mga ito na putulin ang kable.

Lumalabas na ng walang maipakita na anumang papeles ay dito na dinakip ng mga pulis ang mga suspek.

Nakumpiska mula sa dalawa ang cable wires na nagkakahalaga ng Php9,912.00, 1 metal saw, isang improvised firearn na may nakapasok na 12 gauge ammunition.

Nakapiiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong theft at paglabag sa RA10515 o Anti Cable Television at Cable internet tapping act of 2013.

Bukod dito, may dagdag na kaso na kakaharapin si Delos Reyes na paglabag sa RA10591 Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Jan Sinocruz