2 Makati Councilors, buking sa ghost employee

2 Makati Councilors, buking sa ghost employee

October 10, 2018 @ 3:34 PM 4 years ago


 

Makati City – Dalawang konsehal ng lungsod ng Makati ang nasa hot water ngayon matapos ang napipintong pagsasampa ng kasong katiwalian dahil sa umano’y isyu ng “ghost employee”.

Hiniling ni Makati City Mayor Abby Binay sa Office of the Ombudsman ang pagsampa ng kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kina City Councilors Ferdinand Eusebio at Divine Jacome.

Ang mga ito ay tumiwalag na kaalyado ng alkalde.

“Corruption ang nasa likod ng pagtiwalag ng ilang konsehal. Nalaman nila na may hawak na akong credible information tungkol sa kanilang pangungurakot kaya gumawa sila ng drama para mapagtakpan ito. Ginagamit nila ang mabuting pangalan ng aking ama na si Vice President Jojo Binay para mapagtakpan ang kanilang mga maling gawain,” wika ni Mayor Binay.

Tiniyak ni Binay na hawak na nito ang pahayag ng mga testigo laban kina Eusebio at Jacome at inaasahan nitong lulutang ang iba pang testigo.

“Natunugan nila na pinapaimbestiga ko ang mga ghost employees nila. And now I have written statements from witnesses attesting to this. I will endorse this matter to the Ombudsman for appropriate action,” ayon sa Alkalde.

Kinumpirma ng Alkalde na ang dalawang konsehal, kasama ang iba pa, ang nag-uudyok sa kanyang kapatid na si dating Mayor Junjun Binay na labanan ito sa darating na eleksiyon sa Mayo 2019.  Beth Dominguez