2 malaking bangko sa US bumagsak; ibang mga bangko, nanghina

2 malaking bangko sa US bumagsak; ibang mga bangko, nanghina

March 15, 2023 @ 7:40 AM 1 week ago


MATAPOS ang pagbagsak ng higanteng Silicon Valley Bank sa Califronia, bumagsak din ang Signature Bank na nakabase sa New York sa United States.

Dahil dito, mayroon nang natatakot sa pamumuhunan, lalo na sa mga pampinansyang kompanya, kaya naman may panghihina sa pagbili ng mga sapi sa mga korporasyon nagbebenta nito hindi lang sa US kundi sa ibang mga bansa gaya ng Japan.

Bilang epekto sa US, bumaba rin ang halaga ng sapi o stocks ng First Republic Bank ng 14.8 porsyento at ng Charles Schwab ng 1.7% ngunit tumaas naman ang ilang matitibay na bangko gaya ng JP Morgan Chase ng 2.5%.

Dahil sa pagbagsak sa bentahan ng sapi sa Wall Street sa US, bumagsak sa halos 4% ang sapi ng MUFG Bank at sa 4.7 naman ng Mitsui Sumitomo Financial Group.

Mabuti na lang at sinalo ng mismong pamahalaan ng United States ang pananagutan ng Silicon Valley Bank at Signature Bank para sa mga depositor at mamumuhunan at sinabing makukuha nila nang buo ang kanilang deposito o inilagak na puhunan.

Nagkakandaloko-loko ang pananalapi sa US dahil sa pinaiiral na mataas na anak sa pautang upang mapigilan ang pangungutang sa mga bangko para magamit na pambili ng lahat ng bagay.

Kapag wala gaanong mamimili, bababa naman ang presyo ng mga bilihin at serbisyo na napakataas ngayon dahil sa krisis na liha ng giyerang Russia at Eukraine.

Kaya lang, dahil hindi gumagalaw ngunit gumagastos nang malaki ang mga nasabing bangko sa isang taong operasyon para sa kanilang mga empleyado, upa sa mga puwesto, tubig, nagmahal na kuryente at langis, mantinansya at nagmahal na mga kagamitan gaya ng mga sistemang kompyuter, nangyari na ang hindi dapat mangyari, ang pagbagsak nila.

Ang mahal na langis dahil sa giyera ang lumilikha ng matataas na presyo ng mga bilihin sa US at maging sa Pilipinas.

Kaugnay nito, may naniniwalang maaaring bahagi ng pinangangambahang recession sa US ang pagsasara ng nasabing dalawang bangko at paghihirap na ilang katulad ng mga ito.

Sa recession, bagsak o sobrang tumal ang ekonomiya o negosyo ng isa o maraming bansa sa iba’t ibang kadahilanan na nagbubunga ng paghihirap ng maraming mamamayan at krisis sa pananalapi ng mga pamahalaan sa kawalan ng masisingil na buwis sa pagtigil ng operasyon ng mga negosyante. FRED CABALBAG