2 MILF commander utas

2 MILF commander utas

December 28, 2022 @ 8:36 AM 1 month ago


MAGUINDANAO DEL SUR- PATAY ang tatlong katao kabilang ang dalawang commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at isang sibilyan matapos sumiklab ang sagupaan sa magkaaway na grupo, iniulat kahapon sa lalawigang ito.

Kinilala ni Maguindanao Police Provincial Director Colonel Noel Sermese ang mga namatay na sina Kumander Sali, Kumander Justin Sali at isa umanong sibilyan na tinamaan ng mga ligaw na bala.

Batay sa report ng Barongis-PNP, nagkasagupa ang grupo ng 105th Base Command at 118th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Sitio Damabagu Brgy Barurao Sultan, Barongis Maguindanao del Sur.

Ayon kay Police Major Michael Ameril, hepe ng Barongis-PNP, matagal ng may alitan sa kanilang pamilya o rido ang dalawang grupo.

Aniya, matagal ng maayos ang gulo ng mga lider ng dalawang Base Command ng MILF ngunit bigla na lamang nagkasagupa ang mga ito.

Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok ng dalawang grupo mula sa matataas na kalibre ng armas na ikinasawi ng tatlo habang inilikas naman ang mga residente para hindi na madamay pa.

Kasalukuyan naman nakikipag-negosasyon ang militar, pulisya at lokal na pamahalaan para tapusin na ang hidwaan ng dalawang grupo./Mary Anne Sapico