2 MILF patay sa BIFF

2 MILF patay sa BIFF

January 24, 2023 @ 12:12 PM 1 week ago


MAGUINDANAO DEL SUR- Patay ang dalawa habang apat ang sugatan sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos tambangan at pagbabarilin ng teroristang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), iniulat kahapon, Enero 23 sa lalawigan ito.

Kinilala ni Major Saber Balogan, tagapagsalita ng 601st Infantry Unifier Brigade, ang mga nasawi na sina Muhidin Kasanudin at Mackboy Mama, habang sugatan sina Mistah Miguel Bukong, Baser Bukong, Badz Haron, at Usman Tawab mga kasapi ng 105th Base Command ng BIAF-MILF.

Ayon kay Balogan, tinambangan at pinagbabaril ng mga miyembro ng BIFF ang mga biktima sa Sitio Amilil Barangay Tukanalipao Mamasapano Maguindanao del Sur.

Nagawa naman makaganti ng putok ng grupo ng MILF at tumagal ng higit sa 1-oras ang palitan ng putok na ikinamatay ng dalawang MILF at ikinasugat ng apat nilang kasama.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng Charlie Company ng 33rd Infantry Battalion-PA mabilis na nagpulasan patakas ang mga kasapi ng BIFF sa bulubunduking bahagi ng Mamasapano.

Isinugod naman sa ospital ang mga sugatan miyembro ng MILF para lapatan ng lunas subalit na rin buhay ang dalawa. Mary Anne Sapico