2-month buffer stock para sa asukal, ipinag-utos ni PBBM

2-month buffer stock para sa asukal, ipinag-utos ni PBBM

January 17, 2023 @ 3:20 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Pananatilihin ng pamahalaan ang two-month buffer stock ng asukal upang makontrol ang paggalaw ng presyo nito, ayon sa Malacañang nitong Lunes, batay sa briefing ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagtulak niya sa Davos conference insa Switzerland.

“We will maintain from now on, in sugar, a two-month buffer stock,” ayon kay Marcos. “People will know we won’t have a shortage because we will always (have) a two-month buffer stock, which I will maintain.”

Hindi naman nagbigay ng detalye ang Palasyo kung anong ahensya ang mangangasiwa sa buffer stock scheme o kung ano ang magiging procurement budget para rito.

Pinananatili rin ng pamahalaan, sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA), ang buffer stock katumbas ng hindi bababa sa 15 araw na consumption ng bigas.

Tiniyak ni Marcos, na siya ring Agriculture Secretary, noong Hunyo na lilimitahan ang food imports “as much as possible.”

Sa pagsisimula ng kanyang termino, napilitan siyang payagan ang pag-aangkat ng 150,000 metric tons ng asukal noong Setyembre dahil sa mataas na presyo nito sa gitna ng mababang suplay.

Nito namang Disyembre, inaprubahan din ni Marcos ang pag-aangkat ng refined sugar na aabot ng 64,050 metric tons. RNT/SA