2 motornaper, tiklo sa hot pursuit ops ng QCPD

2 motornaper, tiklo sa hot pursuit ops ng QCPD

January 17, 2023 @ 2:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nadakip ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang motornapper matapos ang ginawang hot pursuit operation ng Masambong Police Station 2 kahapon sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III ang mga naaresto na sina Arnold Calderon, 31-anyos, at  Raymart Fabian, 30, kapwa residente ng Natividad Street, Q.C.

Ayon  kay PS2 commander  PLTCOL Resty Damaso, dumulog sa kanila ang biktima na si Jhoanne Miranda Sembrabo makaraang matuklasan nito ang pagkawala ng kanyang motorsiklo dakong alas-2 ng madaling araw (January 16) habang naka-park sa harapan ng bahay nito sa No. 50 East Riverside Street, Barangay Paltok, Q.C.

Isang Arjae Lazo ang nakakita sa pangyayari  sanhi upang isagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek pasado alas-12:10 ng tanghali sa Natividad St., Brgy. Paltok, Q.C. at narekober ang asul na Honda Click 125i na pag-aari ng biktima at dalawang patalim.

Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10883 o ang New Anti-Carnapping Law sa  Quezon City Prosecutor’s Office.

“If possible, put motor alarms on your respective vehicles and parked it in a well-secured place. Mainit sa mata ng mga magnanakaw ang mga motor,” pahayag ni Torre. Jan Sinocruz