2 NBP gang leader pumiyok: Bantag nananaksak ‘pag lasing

2 NBP gang leader pumiyok: Bantag nananaksak ‘pag lasing

December 20, 2022 @ 7:50 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagsalita ang dalawang lider ng gang sa National Bilibid Prison (NBP) kung saan nais din nilang sampahan ng kaso si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag matapos umano nitong saksakin ang mga ito habang lasing sa loob ng national penitentiary.

Kinilala ang mga nagrereklamo na sina Ronald Usman at Jonathan Cañeta na nagtamo ng saksak sa braso at binti.

Sa kwento ng dalawa, nangyari ang insidente noong Pebrero 1 nang ipatawag sila ni Bantag sa kanyang opisina kung saan naroon rin ang 11 iba pang gang kumander, habang nakikipag-inuman na si Bantag.

Ani Cañete, isa isa silang nilapitan ni Bantag. Tinusok umano siya nito ng blade sa dibdib at nang masaktan ay sinangga ang blade kaya naman napikon umano si Bantag saka siya sinaksak sa leeg. Habang si Usman naman ay tinusok sa kamay.

Naalala ng mga biktima ang pagpapatawag ng suspendidong opisyal sa kanyang opisina noong Pebrero 1. Naroon ang labing-isang gang commander.

Pansamantalang sinuspinde si Bantag sa kanyang puwesto dahil sa pagkakasangkot umano nito sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Sinabi ng dalawang bilanggo na may isang “Zulueta” ang lumapit sa kanila kinabukasan at binayaran sila ng tig-P50,000 para manahimik. Hindi nila nilinaw kung sino ang opisyal ngunit sinabing malapit na kaalyado ng Bantag si Deputy Bucor Security Officer Ricardo Zulueta.

Sinabi pa nina Usman at Cañete na pinag-iisipan nila ngayon ang mga ikakasang kaso laban sa suspendido na opisyal ng pulisya pagkatapos ng ilang buwang pananahimik.

Samantala, sinabi ni BuCor Officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. na handang tumulong ang BuCor sa mga biktima sa pagsasampa ng kaso. RNT