2 Nigerian timbog sa P4M drug parcel sa Las Pinas

2 Nigerian timbog sa P4M drug parcel sa Las Pinas

May 1, 2022 @ 9:53 AM 2 months ago


Arestado ng pinagsanib na pwersa ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA- IADITG) at ng NAIA Inspectorate Department ang dalawang Nigerian national sa ikinasang controlled delivery operation na nai-claim ng mga suspects na package na naglalaman ng P3.98 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu, Biyernes ng gabi, Abril 29 sa Las Piñas City.

Sa report na isinumite kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Maj. Gen. Felipe R. Natividad ay nakilala ang dalawang arestadong suspects na sina Juliet Macapili y Canubida at Christian Ubatuegwu, kapwa Nigerian national.

Ayon kay Natividad, matagumpay na naisagawa ang operasyon ng NAIA-IADITG at NAIA Inspectorate Department na nakipag-ugnayan sa Las Piñas police dakong alas 8:20 ng gabi sa Mercury Drug store na matatagpuan sa kahabaan ng Marcos Alvarez, Talon 5, Las Piñas City.

Nauna dito ay nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa mga suspects matapos makakuha ng impormasyon sa parcel na iki-claim ng mga suspects na nakipagkasundo sa mga operatiba na kukunin nila ang package sa Mercury Drug store.

Matapos makipagkasunduan ang mga suspects ay agad na ikinasa ng mga nabanggit na ahensya ang kanilang operasyon na nagdulot ng pagkakaaresto ng mga suspects.

Kinumpiska ng mga operatiba sa mga suspects ang parcel na idineklarang “Electric Steam” na ipinadala ng isang Bouasone Sayasone para kay Gelita Maagma na naglalaman ng isang kahon na naglalaman ng electric steam sterilizer at dryer; 1 itim na clipboard;  parcel receipt; BIR TIN card at  One authorization letter na nakasama sa kopya ng ID ni Maagma at pitong aluminum foil na naglalaman ng mahigit-kumulang 588 gramo  ng white crystalline substance na pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P3,998,400 na nakatago sa electric steam sterilizer at dryer.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (illegal possession of prohibited drugs) ang mga suspects at inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila habang kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA- IADITG ang mga ito na siyang namuno sa naturang operasyon.

“With proper coordination and cooperation among law enforcement units, different modus to conceal illegal drugs will be unfolded. Hindi tayo titigil hangga’t mayroong illegal na droga na pilit na ipinapasok sa sirkulasyon ng ating bansa,” ani Natividad. James I. Catapusan