2 OFW na humingi na tulong, binastos daw ng staff ng OWWA

2 OFW na humingi na tulong, binastos daw ng staff ng OWWA

October 11, 2018 @ 5:35 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Mistulang bumalik ang sinapit na trauma ng dalawang Pilipinang Household Service Worker (HSW) mula sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) nang tangkaing humingi ng tulong pinansiyal pabalik sa kanilang probinsya sa isang staff ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Pasay City.

Halos maiyak sa sobrang kahihiyan at kawalan ng respeto sa mga Pinay OFW na sina Cecille Camaan Dunuan, tubong Baguio, at Glenda Cajudoy, tubong Tarlac nang pagsalitaan umano sila ng masasama ng isang lalaking staff ng OWWA na kinilala lamang sa pangalang Jun, sa loob ng opisina sa ikalawang palapag ng Room 201 ng gusali sa Pasay City.

Batay sa sumbong ng dalawang OFW, nagpasya silang magtungo sa tanggapan ng OWWA upang humingi ng ayuda bitbit ang kanilang referral letter mula sa POLO-Dubai na nagsasabing may matatanggap na tulong mula sa gobyerno.

Dakong 10:00 ng umaga dumating sa OWWA ang dalawang Pinay kasama ang anim na iba pa para sa pinapangarap sanang tulong.

Dumaan sila sa ilang proseso, mula sa Room 201 pinaakyat sila ng ikawalong palapag sa tanggapan ng NRCO at pinababa naman sa Room 202 bago 105 para sa registration at evaluation kung maari silang makakuha ng Balik Pinay Program.

Pagkatapos nito, dahil kulang ang mga pamasahe pabalik ng kani-kanilang probinsya matapos sadyain ang OWWA sa kagustuhang mabiyayaan ng ayuda mula sa gobyerno, nagtungo muli sa opisina sa Room 201 upang humiling sana ng kaunting pamasahe at pumunta sila sa mesa ng OWWA staff na si Jun.

Sinabihan umano sila ni Jun ng mga katagang “undocumented kayo tapos pupunta-punta kayo dito sa OWWA para hihingi lang nang pamasahe”.

Hindi pa umano nakuntento si Jun, sinasabing kinuha nito ang papel nina Dulnuan at Cajudoy, nilukot at itinapon sa basurahan bago sinabing “wala na, lagpas na isang buwan papers”.

“Bakit, hindi pa ba kayo umuwi ng probinsiya, at wala kayong mga pera?” pahayag pa umano ni Jun sa dalawang OFW na halos mangiyak at matunaw sa kahihiyan dahil may mga tao pa sa loob ng opisina.

Nabatid na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sina Dulnuan at Cajudoy nitong Agosto 22 via Cebu Pacific Air at kinumpirmang wala silang natanggap na anumang cash assistance o ayuda mula sa gobyerno simula nang makauwi sila ng bansa.

Ayon sa dalawang OFW at anim pa nilang kasama, pinapapunta sila sa pinakamalapit na OWWA regional office na nakakasakop sa kanilang probinsya kung mapagbibigyan sila sa Balik Pinay Program. Beth Dominguez