2 Omicron variant case naitala na sa Pinas – DOH

2 Omicron variant case naitala na sa Pinas – DOH

December 15, 2021 @ 1:20 PM 10 months ago


Manila, Philippines – Naitala ang unang dalawang kaso ng Omicron COVID-19 variant sa Pilipinas, Miyerkoles, Disyembre 15, 2021, ayon sa kumpirmasyon ng Department of Health, University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), at  University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH).

Na-detect ang mga ito mula sa 48 samples na isinailalim sa sequencing ng Philippine Genome Center nitong Martes, Dis. 14.

Ang isang kaso ay mula sa isang returning Overseas Filipino Worker galing Japan na lumapag sa bansa noong Disyembre 1 via Philippine Airlines flight number PR 0427.

Ang sample ay nakolekta noong  Disyembre 5, 2021 habang lumabas ang positibong resulta noong Disyembre  7.

Siya ay kasalukuyang  asymptomatic pero may simtomas na sipon at uni nang dumating sa bansa.

Habang naitala naman ang isang kaso sa byaherong Nigerian National na pumunta sa Pinas noong Nobyembre 30, 2021 via Oman Air na may flight number WY 843.

Tinutukoy na rin ng DOH ang posibleng close contacts sa mga kapwa nila pasahero sa kanilang flights

Ang mga manlalakbay na dumating sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga flight na ito ay maaaring tumawag sa DOH COVID-19 Hotlines sa (02) 8942 6843 o 1555, o sa kani-kanilang LGUs para iulat ang kanilang status.

Ang anunsyo ay kasunod ng pagdeklara ng Pilipinas na isailalim ang buong bansa sa Alert Level 2 hanggang katapusan ng Disyembre. (Jocelyn Tabagcura-Domenden)

(I-refresh para sa karagdagang detalye)