2 opisyal ng DSWD inireklamo ng Cavite mayor sa kahigpitan

2 opisyal ng DSWD inireklamo ng Cavite mayor sa kahigpitan

November 4, 2022 @ 8:18 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tinanggal sa pwesto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang regional director at assistant director ng kanilang opisina sa Region IV-A.

Ito ay makaraang ireklamo sila ni Noveleta, Cavite Mayor Dino Chua dahil umano sa labis na kahigpitan para lamang makatanggap ng relief aid sa mga nasalanta ng bagyong Paeng.

Sa press briefing, sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na dumulog sa kanila si Chua na inoobliga sila ng naturang regional office ng napakaraming dokumento bago mabigyan ng tulong sa mga nasalanta.

“So ang ginawa ko po, habang pending ang investigation, ni-relieve ko yung regional director ko sa Region IV-A at tsaka yung assistant regional director para masatisfy yung investigation para di ma-impluwensiyahan yung imbestigasyon sa nangyaring incident sa Noveleta,” ani Tulfo.

Ipinatawag din niya ang dalawang opisyal sa kanyang opisina upang magbigay rin ng kanilang pahayag.

Samantala, si DSWD Assistant Secretary Marites Maristela muna ang mamumuno sa regional office.

Maliban dito, nagsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon si Chua tungkol sa nangyaring insidente.

Matatandaan na isa ang Calabarzon sa apat na rehiyon na inilagay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa state of calamity sa matinding pinsalang iniwan ng bagyong Paeng. RNT/JGC