2 ospital sa Makati walang bagong COVID patient

2 ospital sa Makati walang bagong COVID patient

December 9, 2021 @ 10:15 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Makaraan ang halos dalawang taon ng pakikipaglaban sa pandemya na dulot ng coronavirus disease o COVID-19 ayΒ  hindi nakapagtala sa kauna-unahang pagkakataon ang dalawang ospital sa Makati -Makati Medical Center (MMC) at Ospital Ng Makati (OsMak) – ng bagong COVID-19 patients nitong Miyerkules (Disyembre 8).

Sinabi ito mismo ni Makati City Mayor Abby Binay kung saan ang huling pasyente na naipasok sa OsMak ay ang 75-taong-gulang na lalaki noon pang Nobyembre 24 dahil sa critical COVID-19 infection ngunit sa kasamaang palad ay namatay din noong Disyembre 3.

Ayon kay Binay, sa mga unang araw ng buwan ng Disyembre ay mayroong naitalang 54 pasyente na may simtomas ng COVID ang naipasok sa OsMak ngunit makaraang lumabas ang resulta ng kanilang RT-PCR test ay nagnegatibo ang mga ito sa virus.

Nauna rito ay naglabas na rin ng statement si MMC medical director Dr. Saturnino Javier na nagkumpirma na sa loob ng 20 buwan magmula noong Marso 2020, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapagtala ang kanilang ospital ng zero-COVID patient census.

Sa huling report ng Makati Health Department (MHD) ay nasa klasipikasyon ng low-risk ang lungsod na mayroon na lamang 31 aktibong kaso ng COVID-19, walang naiulat na namatay at mayroon isang naitalang naka-recover sa virus.

Sinabi ni Binay na ang dahilan sa pagbaba ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ay bunsod ng mataas na vaccination rate, availability ng rapid antigen tests at RT-PCR tests, surveillance at early isolation o pag-quarantine sa may mga pasyente ng COVID-19 gayundin ang mahigpit na implementasyon ng minimum public health standards.

Pinaalalahanan din ni Binay ang pubilko na huwag magpakakampante dahil naandiyan lamang ang COVID-19 gayundin ang pagkakadiskubre ng bagong Omicron variant sa South Africa na kumalat na din sa ilang bansa sa mundo.

β€œEven if we are now under the low-risk classification, we should remain vigilant. It may only be a matter of time before the Omicron variant makes its way to our country. We must continue to strictly observe public health standards like wearing face masks and keeping a one-meter distance from another person,” ani pa Binay.

Makikita din sa report ng MHD (Disyembre 8) na nakapagbigay na ng bakuna ang lokal na pamahalaan sa 439,185 indibidwal o mahigit sa 70 porsiyento ng target population gn lungsod na 624,560. James I. Catapusan