2 pamilyang Pinoy, apektado sa pagsabog sa Italy

2 pamilyang Pinoy, apektado sa pagsabog sa Italy

August 7, 2018 @ 12:38 PM 5 years ago


 

 

Rome, Italy – Apektado ang dalawang pamilyang Pinoy sa malakas na pagsabog matapos magsalpukan ang isang fuel tanker at truck sa Borgo Panigale sa Bologna, kahapon (August 6).

Sira ang pinto at basag ang salamin ng apartment ng dalawang pamilya dahil sa pagsabog.

Ayon kay Rhod Pasion, tagapagsalita ng Migrante Bologna, kasalukuyang pinatuloy sa hotel ng lokal na gobyerno ang mga pamilya na naapektuhan.

“Pinaabot na natin sa ATN (Assistance to National) officers sa Milan Consulate ang detalye at pangalan ng ating mga kababayan,” sabi ni Pasion sa kaniyang post sa Facebook.

Base sa inilabas na video ng mga pulis, binabaybay ng isang fuel tanker truck ang highway nang sumalpok ito sa rear-end ng nakatigil na truck dahilan para ito sumabog.

Dahil sa lakas ng pagsabog, gumuho ang malaking  parte ng A14 motorway bridge at nadamay ang mga kotse ng 2 auto concessionaire na nakaparada malapit sa ilalim ng overpass.

Dalawang indibidwal naman ang binawian ng buhay at mahigit sa 70 ang nasugatan kung saan 14 dito ang nasa kritikal ang kalagayan. Remate News Team