2 pang katawan narekober sa Samar blast site

2 pang katawan narekober sa Samar blast site

August 27, 2022 @ 1:42 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakakita pa ang awtoridad ng dalawa pang bangkay sa baybayin ng Tarangnan, Samar noong Huwebes ng gabi, mula sa sumabog na bangkang de motor na pinaghihinalaang lulan ang mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA).

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Storm spokesperson Capt. Ryan Layug na may kabuuang apat na bangkay ang natagpuan sa kahabaan ng baybayin at sa baybaying dagat ng Tarangnan mula noong pagsabog noong Agosto 22.

Matatandaang umugong ang balitang lulan din sa bangkang ito ang mag-asawang high-ranking officials ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na si Benito Tiamzon at ang kanyang asawang si Wilma, at sampu pang armadong indibidwal.

Nagkaroon umano ng engkwentro sa pagitan ng grupo at kasundaluhan dahilan ng pagsabog ng vessel.

Samantala, katulad ng naunang nakitang hating katawan ng babae, mga mangingisda rin ang nakasipat sa dalawang labi.

“There were no claimants of these bodies. No villagers in Catbalogan City and Tarangnan town reported that one of their loved ones (has) been missing. This strengthens our suspicion that these human casualties are members of the New People’s Army on board the boat,” ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Storm spokesperson Capt. Ryan Layug na sinabing apat na katawan na ang kanilang nahahanap.

Sinabi naman ni AFP Joint Task Force Storm commander Maj. Gen. Edgardo de Leon, na pinalakas niya pa ang search and retrieval operations kaya naman mas maraming asset at tauhan ang naka-deploy sa lugar, kasunod ng drifting pattern ng agos ng tubig. RNT