2 pang mangingisda sa Camarines Norte nawawala

2 pang mangingisda sa Camarines Norte nawawala

September 28, 2022 @ 4:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nadagdagan ng dalawa ang napaulat na mga nawawala sa Mercedes, Camarines Norte sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karding.

Ayon kay Lieutenant Colonel Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol police, kinilala ang nawawalang mangingisda na sina Rodel Carullo, 37 anyos, kapitan ng bangka mula Barangay San Roque at Ricky Nunez, 40 anyos mula naman sa Barangay Manguisoc.

Sa inisyal na ulat, naglayag ang mga mangingisda sakay ng motorized banca noong Setyembre 22 at inaasahan sanang babalik Setyembre 26, isang araw makalipas ang pananalasa ng bagyong Karding.

Matatandaan na nauna nang iniulat ang pagkawala ng tatlo iba pang mangingisda na kinilala rin na sina Roger Pun-an, kapitan ng bangka at dalawa nitong kasamahan na sina Gerome Pun-an at Efren Lozada Jr. kapwa nagmula sa Barangay San Roque.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang search, rescue and retrieval operations sa mga nawawalang mangingisda. RNT/JGC