2 pang Pinoy biktima ng pag-atake sa New York

2 pang Pinoy biktima ng pag-atake sa New York

March 30, 2022 @ 12:30 PM 3 months ago


NEW YORK- Inatake ang dalawang Pilipino kamakailan sa magkahiwalay na insidente sa Midtown Manhattan sa New York.

Ang unang biktima ay 73-anyos na Pilipino na inatake sa 8th Avenue nitong Linggo.

Sa video na inilabas ng New York Police Department Crime Stopper, makikita ang suspek na itinulak ang biktima na patungo sa simbahan.

Nasugatan naman ang biktima sa mukha at kasalukuyang nagpapagaling.

Kinilala ang suspek na si Dominick Staton, 44, walang tirahan. Agad siyang dinakip ng mga pulis.

Samantala, ang ikalawang biktima ay isang 53-anyos na Pilipino na inatake sa isang fast food chain sa Midtown.

Naglabas din ang NYPD Crime Stopper ng video ng insidente kung saan makikita ang biktima na bumibili ng pagkain sa counter nang lapitan siya ng suspek at pagbantaan.

Makikita rin sa video ang isang kostumer na nanood lamang habang sinusuntok at sinisipa ang biktima bago kunin ang cellphone at pera nito.

Nagtamo ng sugat sa mukha ang biktima at agad na isinugod sa ospital.

Matatandaang isang Pilipina ang biktima rin ng pag-atake sa Yonkers, New York dalawang linggo na ang nakaraan. RNT/SA