2 pang sangkot sa mga nawawalang sabungero sinampahan na ng kaso

2 pang sangkot sa mga nawawalang sabungero sinampahan na ng kaso

December 2, 2022 @ 2:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo nitong Biyernes, Disyembre 2 ng Philippine National Police na nagsampa na rin ng dagdag pang kaso ng kidnapping at serious illegal detention ang mga imbestigador laban sa dalawa iba pang suspek na sangkot sa pagkawala ng mga sabungero sa Laguna.

Pinangalanan sa nasabing reklamo ay sina Julie Patidongan o kilala sa tawag na “Dondon” na iniulat na staff sa isang farm sa Barangay Palasan, Sta. Cruz, Laguna at isa pang pinangalanang “John Doe.”

Ang reklamo ay inihain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Huwebes, Disyembre 1 sa National Prosecution Service ng Department of Justice.

Batay ito sa reklamo naman ng pamilya ng biktima na si Michael Bautista ng Barangay Poblacion 1, Daang Barrio Road, San Jose del Monte, Bulacan, na nawawala pa simula Abril 28, 2021.

“Patidongan and a John Doe were tagged as the persons seen on a video footage obtained by CIDG as the same persons who were holding the handcuffed Bautista outside the farm,” sinabi ni PNP officer in charge Lt. Gen. Rhodel Sermonia sa isang pahayag.

Sa pagpupulong naman kasama si CIDG chief Brig. Gen. Ronald Lee, ay positibong kinilala ng asawa at kapatid ni Bautista na ito nga ang lalaking nakaposas sa isang “secret video” na nakuha ng mga imbestigador.

Si Bautista ay isa sa 34 na mga nawawalang sabungero na pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad.

Noong Marso 18 kung babalikan, ay may walong indibidwal na ang nasampahan ng kasong kidnapping dahil dito.

Ayon kay Sermonia, sa pamamagitan ng mga police digital forensics technician ay nakabuo sila ng computerized facial composites ng dalawang suspek batay sa naturang ebidensya.

“With these developments, we are confident that the investigation on the ‘missing sabungero’ is gaining solid ground and will find closure in due time,” aniya. RNT/JGC