2 pang sites para sa ‘Register Anywhere Project’ binuksan ng Comelec

2 pang sites para sa ‘Register Anywhere Project’ binuksan ng Comelec

January 20, 2023 @ 1:42 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Dalawa pang sites para sa Register Anywhere Project (RAP) ang handa nang tumanggap ng aplikasyon para sa registration na may kaugnayan sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na kabilang sa mga sites ang National University sa Fairview, Quezon City, at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Lumagda sa isang kasunduan ang pamunuan ng National University (NU) at Commission on Elections (COMELEC) para sa Register Anywhere Project (RAP) bilang paghahanda sa Barangay At Sangguniang Kabataan Election (BSKE). (Mga larawan kuha ni Crismon Heramis)

Magdadaos ng isang araw na registration ang National University ngayong Biyernes (Jan. 20) mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Samantala, ang DSWD ay magho-host ng rehistrasyon ng mga botante sa Enero 23, kasama sa listahan ng mga tanggapan ng gobyerno na nagho-host ng RAP.

Magiging RAP site din ang Senado ng Pilipinas sa Enero 25, ayon sa poll body.

Tumatanaggap na rin ng aplikasyon ng mga botante ang mga piling malls sa Metro Manila, Bicol Region at Central Visayas sa nagdaang tatlong linggo na nagsimula noong Dec. 17 at 18, 2022, gayundin noong Jan. 7 at 8, saka Jan. 14 at 15.

Ayon sa Comelec, ang huling iskedyul para sa nabanggit na mga sites ay sa Jan. 21 at 22.

Ang mga RAP site ay tatanggap at magpoproseso ng mga aplikasyon mula sa mga sumusunod: Overseas Voters pabalik sa Pilipinas (Post to Local), mga residente ng Lungsod/Distrito kung saan matatagpuan ang mga RAP site; at mga senior citizen at persons with disability (PWDs) na bagong rehistro o mag-a-update ng kanilang mga rekord.

Sinabi ni Laudiangco na kabuuang 4,077 aplikante na ang naproseso sa RAP sites nitong Jan. 18, 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden