2 pastor, lay leader nagpasaklolo sa SC vs red-tagging

2 pastor, lay leader nagpasaklolo sa SC vs red-tagging

November 29, 2022 @ 10:43 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hiniling sa Korte Suprema ng dalawang pastor at lay leader ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) para sa proteksyon laban sa mga tropa mula sa 59th Infantry Battalion na nag-red-tag sa kanila bilang mga communist supporters.

Sa isang writ of Amparo petition sa Korte Suprema nina UCCP Pastor Edwin at Julieta Egar at lay leader Ronald Ramos, na isang barangay campaign, nakasaad na ang mga miyembro ng 59th IB ay patuloy na nagbabanta na lalabagin ang kanilang karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad gayundin ang kanilang mga pamilya.

Sinabi ng mga petitioner na pinilit sila na sumuko at aminin na bahagi sila ng New People’s Army (NPA) sa kabila ng kakulangan ng ebidensya.

Ayon pa sa mga petitioner, mayroong “outright threat of a military operation” laban sa kanila batay sa iba’t ibang text messages na ipinadala sa kanila.

Sinabi na Ramos at Edwin na noong Oktubre 31 inaakusahan sila ng mga miyembro ng 59th IB troops na mga miyembro ng NPA at pinasusuko.

Sinabi rin ni Ramos na nakakatanggap din siya ng mga text messages na sinasabing tataniman ng mga baril at pampasabog ang kanilang bahay sa isang “one-time big-time” operation. May mensahe ring nagsasabing siya ay papatayin sa isang gawa-gawa lamang na shoot-out.

Samantala, isinailalim din sa surveillance at harassment sina Edwin at Julieta.

“Due to this illegal military surveillance, unwarranted visits, threats of illegal searches, and the outright threat of a deadly military operation akin to the Bloody Sunday operations, the respondents officers and enlisted personnel of the 59th IB have implanted genuine and crippling fear in the minds of petitioners,” saad sa 62-pahinang petisyon.

Nakasaad pa sa petisyon na sila ay namumuhay nang may takot.

Kasama sa mga pinangalanang respondents ay sina Armed Forces Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, Philippine Army Commending General Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., Commanding officer of the 2nd Infantry Division of the Philippine Army Maj. Gen. Roberto Capulong, 59th IB commander Lt. Col. Ernesto Teneza Jr., at mga enlisted na mga tauhan ng battalion.

Humiling ang mga petisyuner ng pansamantalang protection order sa Kataas-taasang Hukuman laban sa mga respondents.

Hiniling din nila sa SC na maglabas ng production order para sa respondents na magbigay ng anumang dokumento o ebidensya na may kaugnay sa kaso.

Hinimok din ng mga petitioner ang SC na gawin na permanente ang protection order at utusan ang chain of command na magsagawa ng imbestigasyon para matukoy ang mga responsable sa paglabag sa kanilang mga karapatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden