2 patay, 2 sugatan sa pamamaril sa Navotas

2 patay, 2 sugatan sa pamamaril sa Navotas

October 15, 2022 @ 12:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Todas ang isang 30-anyos na lalaki at isang menor-de-edad na lalaki habang sugatan naman ang dalawa pa, kabilang ang isang babae, matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang tahanan Biyernes ng gabi sa Navotas City.

Hindi na umabot ng buhay sa Navotas City Hospital sina Jhomarie Flores at ang 9-anyos na batang lalaki habang sugatan at inilipat naman sa Tondo Medical Center sina Gerardo Garcia, 30 at Cerina Dela Cruz, 28, upang mabigyan ng kinakailangang atensiyong medikal.

Sa inisyal na ulat, nasa loob ng kanilang tirahan ang mga nasawi sa No. 29 Bagong Kalsada St. Brgy. Tangos South, kasama ang testigong si Crissalyn Tud, 29 dakong alas-8 ng gabi at naghahanda ng mga pagkaing paninda sa kanilang food stall nang biglang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki.

Sa pahayag ng testigong si Tud sa pulisya, ang isa sa mga suspek na nakasuot ng puting t-shirt, itim na baseball cap at maong na pantalon ay sumungaw sa kanilang bintana at nagsimulang magpaputok ng baril habang ang isa namang nakasuot ng asul na t-shirt, violet na cap at maong na pantalon ay sa harap ng kanilang pintuan nagpaputok ng baril.

Si Garcia, na residente ng No. 106 BAgong Kalsada St. Brgy. Tangos South ay nakatayo sa tabi ng tirahan ng kanyang kapitbahay nang mahagip ng mga bala habang masuwerte namang hindi tinamaan ang testigong si Tud.

Nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pitong basyo ng bala at dalawang tingga mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pinagsanib na tauhan ng Navotas Police Tactical Motocycle Riding Unit (TMRU) sa pangunguna ni P/ Lt. Greg Cueto, Intelligence Section (IS) na pinamumunuan ni P/Lt. Luis Rufo, Jr. at ang Sub-Station-2 na pinangunahan naman ni P/Lt. Genre Sanchez subalit nabigo silang makilala at madakip ang mga salarin.

Isa ring dragnet operation and ikinasa ni Navotas Assistant Chief of Police for Operation P/Lt. Col. Marcelino Teloza, katuwang ang mga iba pang Police Sub-Stations habang hiniling din nila ang tulong ng Malabon City Police Station upang madakip ang mga salarin. Boysan Buenaventura