2 patay, 3 sugatan sa tagaan ng magkakamag-anak sa Nueva Ecija

2 patay, 3 sugatan sa tagaan ng magkakamag-anak sa Nueva Ecija

November 23, 2021 @ 3:19 PM 5 days ago


NUEVA ECIJA – Dalawa ang patay habang tatlo pa ang umano’y nasa pagamutan, kabilang dito ang isang ginang, makaraang pagtatagain sa Purok Manga, Brgy. Concepcion, Gen. Tinio, Nueva Ecija nitong Linggo, Nobyembre 21.

Sa ulat ni P/Major Ronnie G. Caagbay, hepe ng Gen. Tinio police station, kay Nueva Ecija director, P/Col. Rhoderick Campo, kinilala ang mga nasawi na sina Gilbert Cuevas Jr. y German, 26, may asawa, residente ng Brgy. Padre Burgos, Cabanatuan City;
at Erick Manuel y Macalinao, 46, may asawa at residente ng Brgy. Concepcion, Gen. Tinio, Nueva Ecija.

Habang ang iba pang biktima na pawang mga sugatan ay nakilala na sina John Kevin Cuevas y German ng Brgy. Padre Crisostomo, Cabanatuan City; Erlinda Cuevas y German, 49, may asawa, residente ng Brgy. Padre Crisostomo,
Cabanatuan City; at, Jervy Lorenzo y Bulacan, 28, resident ng Brgy. Rio Chico, Gen.Tinio, Nueva Ecija.

Ayon sa pulisya, ganap na 9:10 ng gabi ng makatanggap sila ng isang tawag sa telepono hinggil sa insidente ng umanoy tagaan, sa Purok Manga, Brgy. Concepcion, Gen. Tinio, Nueva Ecija.

Sa inisyal na imbestigasyon nina P/MSg. Julius P. Almera at P/Cpl. Gilbert Marcos, may hawak ng kaso, ganap na 6:30 ng gabi ng mangyari ang nabanggit na insidente.

Habang, ang mga itinuturo umanong suspek ay kinilala na sina Teodoro German y Busog, Marvin German, Gerardo Manuel
y Macalinao at Antonio Manuel Jr. y Macalinao, pawang mga residente ng Brgy.Concepcion, General Tinio, Nueva Ecija.

Sa pagsisiyasat, napag-alaman na kasalukuyan umano na nagmemeryenda ang mga biktima sa harapan ng bahay ng biktimang si Erick Manuel, nang bigla umanong dumating ang mga suspek na lulan ng isang tricycle at pawang mga armado di-umano ng bolo.

At, ayon nga sa imbestigasyon ng pulisya ay kaagad na sinugod ng mga suspek ang mga biktima na umanoy mga armado din ng bolo.

Dahil dito, ay nagtamo ng mga malalalim na sugat ang dalawa sa magkabilang panig na sanhi ng matitinding tama ng gulok sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Naisugod naman ang biktimang si Gilbert Cuevas Jr. sa Medicare Hospital sa Brgy. San Pedro, Gen. Tinio, N.E. subalit kaagad rin ideneklarang dead on arrival(DOA) ng attending physician.

Habang, ang biktimang si Erick Manuel ay dinala naman sa Nueva Ecija Medical Center sa San Leonardo, Nueva Ecija at ideneklara din na dead on arrival (DOA) ng attending physician.

Samantala, isinugod naman ang mga sa sugatan sa DR.PJGMRMC sa Cabanatuan City para sa gamutan ng mga ito.

Dating alitan umano ang naging motibo sa krimen.

Ayon pa kay Caagbay, na patuloy umano ang pagsasagawa nila ng imbestigasyon upang mapanagot din ang iba pang mga suspek at aniya, hindi umano titigil ang kapulisan hanggat hindi nabibigyan ng katarungan ang mga biktima.

Samantala, tatlo sa apat na suspek na sina Gerardo Manuel at Antonio Manuel Jr., at Marvin German ay nasa kustodiya na ng kapulisan.

Habang, inihahanda na ang kasong Murder, Frustrated Homicide at Serious Physical Injury laban sa mga suspek. Elsa Navallo