2 patay, 5 sugatan sa pag-atake sa MNLF community

2 patay, 5 sugatan sa pag-atake sa MNLF community

January 18, 2023 @ 5:20 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Patay ang dalawang indibidwal habang sugatan ang lima iba pa sa pag-atake ng 20 armadong kalalakihan sa isang Moro community sa Cotabato City, madaling araw ng Miyerkules, Enero 18.

Ayon kay Major Sainodin Benasing, city police station 3 commander, nangyari ang pag-atake alas-3 ng madaling araw sa Purok Pangilan, Barangay Tamontaka 2, na nagresulta sa pagkasawi ni Pacundo Pangilan, 30, at Razul Abdulla, 34, kapwa residente ng naturang komunidad at miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Kabilang din sa nasaktan sa pag-atake ang limang sibilyan, kabilang ang dalawang menor de edad na kamag-anak ng mga napatay na MNLF members.

Ani Benasing, pinaniniwalaang nagmula sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang mga gunman, at nagsimulang pagraratratin ang ilang mga tirahan na karamihan ay pagmamay-ari ng Pangilan clan.

Kinilala naman nito ang lider sa pag-atake sa pangalang Sammy, mula sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat.

Ayon kay Colonel Querubin Manalang Jr., city police director, inatake ng gunmen ang Camp Datu Sumampao Tulawi, isang komunidad ng mga miyembro ng MNLF at kanilang pamilya.

Tumakas naman ang mga sangkot sa pag-atake nang makatunog ang mga paparating na pulis.

“Rido” ang itinuturong motibo sa  nangyaring pamamaril.

Naglagay na ng mga pulis at military peacekeepers sa lugar upang siguruhin ang kaligtasan ng mga naninirahan doon. RNT/JGC