2 patay, higit 3K gusali nasira sa lindol sa Mexico

2 patay, higit 3K gusali nasira sa lindol sa Mexico

September 21, 2022 @ 11:18 AM 7 days ago


MEXICO CITY – Dalawa ang patay samantala mahigit 3,000 na mga gusali ang nasira dahil sa Magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Mexico noong Lunes, Setyembre 19.

Ang isa sa mga nasawi ay isang babae mula sa Manzanillo, Colima dahil sa gumuhong pader ayon kay Laura Velazquez, civil defense national coordinator.

Maliban dito, nasawi rin ang isa namang lalaki mula sa kabisera ng bansa na Mexico City makaraang mabagsakan ng debris mula sa isang shopping center.

Nagpapasalamat naman si President Andres Manuel Lopez Obrador na sa kabila ng malakas ng lindol ay hindi sila nakapagtala ng malaking bilang ng mga nasawi.

Kung babalikan, naitala ang sentro ng lindol 400 kilometro kanluran ng Mexico City o 59 kilometro timog ng Coalcoman, Michoacan.

Sumakto sa anibersaryo ng Magnitude 8.1 na lindol na tumama noong 1985 ang nangyaring pagyanig noong Lunes at tugma rin sa Magnitude 7.1 na lindol na tumama noong 2017 sa naturang bansa. RNT/JGC