2 patay, isang pulis sugatan sa magkahiwalay na lugar sa Maynila

2 patay, isang pulis sugatan sa magkahiwalay na lugar sa Maynila

August 8, 2018 @ 11:42 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Dalawa ang patay nang manlaban sa mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa magkahiwalay na lugar sa Maynila kaninang madaling araw.

Dakong alas-12:10 ng madaling araw nang unang magsagawa ng Anti-Narcotics operation ang mga tauhan ng Sampaloc Police Station (MPD-PS 4) sa kahabaan ng Antipolo St., malapit sa kanto ng Simoun St., Sampaloc, Maynila nang maka-engkwentro ang suspek na si Roberto Lumibao, alyas Ugat, 49-anyos, nakatira sa nasabi ding lugar.

Habang nakikipagtransakyon umano ito ay nakahalata na pulis ang kausap kaya tumakbo sa loob ng kanilang bahay at nagpaputok dahilan upang siya ay gantihan na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.

Narekober sa kanya ang kalibre 38 revolver, bala, cartridge, shabu at buy bust money.

Dakong alas-2:15 naman ng madaling araw nang makipagpalitan din ng putok ang isang hindi nakilalang lalaki sa joint check point operation sa Blk. 1 Gasangan, Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Inilarawan lamang ang suspek na nasa edad 30-35, may taas na 5’9″ at nakasuot ng puting t-shirt, floral short pants, black bull cap, black body bag at nakatsinelas.

Sugatan naman ang isang pulis na si PO1 Gerardo Salustino sa braso nang magpaputok ang suspek nang siya ay harangin sa checkpoint.

Nakuha sa suspek ang 38 kalibre, at ilang sachet ng shabu gayundin ang motorsiklong gamit ng siya ay harangin sa checkpoint. Jocelyn Tabangcura-Domenden