2 patay kay ‘Maymay’ sa Cagayan

2 patay kay ‘Maymay’ sa Cagayan

October 13, 2022 @ 1:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Naiulat ang dalawang indibidwal nasawi sa lalawigan ng Cagayan sa pananalasa ni tropical depression “Maymay” sa bahagi ng bansa nitong linggo.

Sinabi ni Ruellie Rapsing, pinuno ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO), na ang dalawang nasawi ay mga mangingisda mula sa mga bayan ng Sta. Ana at Buguey.

Inihayag ni Rapsing na maagang pumalaot ang dalawang mangingisda nitong Martes, sa kabila ng ipinalabas na gale warning dahil sa banta ni “Maymay” nitong Lunes.

“The body of the fisherman from Buguey was found near his capsized boat. The other fisherman from Sta. Ana, his body was found in Gonzaga town,” paglalahad ni Rapsing.

Subalit, kukumpirmahin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kung ang pagkasawi ng dalawang mangingisda sa Cagayan ay dulot ng bagyo.

“We are still verifying the casualties. Although their deaths were already reported, we have a validation process that we have to follow,” ani NDRRMC spokesperson Bernardo Rafaelito Alejandro IV.

Inihayag niya na may kabuuang 7,069 indibidwal mula sa 1,857 pamilya ang apektado ni “Maymay” sa 34 barangay na karamihan ay nasa Cagayan Valley Region at Central Luzon.

Sinabi pa niya na nakapag-ulat din ng 112 lugar na lubog sa baha, partikular na sa Cagayan.

Subalit, ayon kay Alejandro, “minimal” lamang ang pinsalang dulot ng bagyo batay sa inisyal na ulat. Rey Velasco