2 patay sa aksidente sa Rizal

2 patay sa aksidente sa Rizal

November 27, 2022 @ 2:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dalawa ang patay kabilang ang isang menor-de-edad sa magkahiwalay na aksidente nitong Sabado, Nobyembre 26 at Linggo, Nobyembre 27 sa probinsya ng Rizal.

Ayon sa Region 4A police, patay ang rider na si Jude Nicolo Galo habang bumibyahe sa Corazon Aquino avenue sa Barangay San Roque, Teresa madaling-araw ng Linggo.

Sa ulat, bumangga ang motor ni Galo sa isang paparating na truck na minamaneho ni Mecio Morales Jr.

Nagtamo ng pinsala si Galo at nasawi habang dinadala sa pinakamalapit na ospital.

Hindi naman natukoy kung may suot na helmet ang biktima.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Morales upang imbestigahan.

Samantala, patay naman ang 12-anyos na batang babae na kinilalang si Nicole Joy Lejano nang mahagip ng dumadaan na sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ni Roldan James sa Marilaque Highway, Barangay Pinugay Sabado ng gabi.

Sa ulat ng pulisya, biglang tumawid umano ang biktima na nagresulta upang ito’y mabundol ng SUV.

Nasawi ang biktima habang ginagamot sa Cabading Hospital.

Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang driver ng SUV. RNT/JGC