2 patay sa baha sa DavNor

2 patay sa baha sa DavNor

January 6, 2023 @ 8:05 AM 3 weeks ago


DAVAO CITY –DALAWANG katao ang nasawi habang higit sa 12,000 pamilya ang apektado ng matinding pagbaha sa Davao del Norte bunsod ng low pressure area (LPA), kahapon sa lalawigan ito.

Kinilala ang nasawi na si Enting Layao, 57, ng Tagum City; at isang limang taong gulang mula sa bayan ng Asuncion, na kapwa nalunod sa baha.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), umabot sa 12,633 pamilya o 52,712 indibidwal mula sa mga munisipalidad ng Kapalong, Asuncion, New Corella, Sto. Tomas, Carmen at Tagum City ang apektado ng pagbaha.

Habang nasa 204 ektarya ng iba’t ibang high-value commodities na nagkakahalaga ng P4.9 milyon ang nasira sa mga bayan ng New Corella at Kapalong.

Nagpaabot na rin ng tulong ang pamahalaan panlalawigan sa mga apektadong pamilya, lalo na sa mga nakatira sa mababang lugar sa bayan ng Asuncion at Tagum City.

Inatasan na rin ni Davao del Norte Governor Edwin Jubahib ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na mamigay ng food packs sa mga apektadong pamilya.

Aniya, patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamahalaang panlalawigan sa mga local government units (LGUs) para maihatid ang mga mahahalagang produkto at serbisyo sa mga pamilyang naapektuhan ng baha.

Samantala, ang Department of Social Welfare and Development in the Davao Region (DSWD-11) ay nagbigay ng P123,348 halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya sa Davao del Norte.

Nakipag-ugnayan na rin ang DSWD, sa pamamagitan ng mga field office nito, sa mga lokal na awtoridad upang matiyak na ang mga naaangkop na interbensyon ay maibibigay kaagad sa mga apektadong residente./Mary Anne Sapico