2 patay sa batugang manugang

2 patay sa batugang manugang

August 30, 2022 @ 3:44 PM 1 month ago


ALAMADA, Cotabato- Patay ang dalawang lalaki matapos silang pagtatagain ng dating manugang ng isa sa mga biktima habang nag-iinuman kamakalawa sa bayang ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Rolando Salcedo, 56- anyos at Felix Arigola, 74, habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Richel Nicor, 33, dating manugang ni Salcedo at pawang mga residente sa Sitio Baing, Barangay Barangiran Alamada Cotabato.

Batay sa report ng Alamada Municipal Police Station, dakong alas-8 ng gabi naganap ang krimen di-kalayuan sa bahay ng mga biktima sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon, nag-iinuman ang mga biktima kasama ang suspek ng bigla na lamang ungkatin ng huli ang sa kanyang manugang (Salcedo) na gusto nitong makipagbalikan sa anak.

Dahil dito, napagsabihan umano ni Salcedo si Nikor na ayaw na sa kanya ng anak dahil sa pagiging lasinggero nito at iresponsable sa kanyang pamilya.

Nagalit umano ang suspek at pinagtataga ang kanyang dating manugang habang tinangka naman umawat ni Arigola subalit maging siya ay pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan.

Matapos ang krimen tumakas ang suspek habang dinala naman sa ospital ang mga biktima pero dineklara na rin silang patay ng umatending doktor.

Agad naman nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya at tauhan ng barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Alamada-PNP ang suspek at nahaharap sa kasong double murder. Mary Anne Sapico