2 patay sa COVID sa Caloocan; Navotas active case nag-triple

2 patay sa COVID sa Caloocan; Navotas active case nag-triple

July 10, 2021 @ 2:48 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Dalawa ang naitalang patay sa Caloocan City dahil sa COVID-19 nitong Hulyo 9, habang nag-triple naman ang active COVID cases sa Navotas City.

Mula 1,099 noong Hulyo 7, umakyat sa 1,101 ang total deaths sa Caloocan.  Pumalo na sa 38,715 ang tinamaan ng COVID sa lugsod, at sa nasabing bilang ay 37, 238 na ang gumaling at 376 ang active cases matapos na 22 ang magpositibo sa virus.

Samantala, 134 na aktibong kaso ng COVID-19 sa Navotas matapos na magpositibo sa virus ang 24 na Navoteño at apat lamang ang gumaling mula sa sakit. Sa loob lang ng dalawang linggo, nag-triple na ang ating active cases sa Navotas mula sa pinakamababang bilang na 41 na naitala noong Hunyo 25.

Sumampa na sa 11,136 ang nasapul ng pandemya sa Navotas, at dito ay 10,630 na ang gumaling at 372 na ang namatay.

Wala namang naitalamg namatay sa Malabon at nanatili sa 453 ang COVID death toll ng lungsod ngunit  25 ang nadagdag na confirmed cases  at sa kabuuan ay 13,615 ang positive cases sa lungsod, 150 dito ang active cases.

Sa kabilang banda, tatlong pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 13,012 ang recovered patients ng Malabon.  Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Catmon at Hulong Duhat dahil nagpositibo ang swab test ng mga ito sa ikalawang pagkakataon. Mula 893 ay magiging 892 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Catmon, samantalang mula 415 ay 414 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Hulong Duhat.

Sa Valenzuela City naman ay 153 ang active cases matapos na 20 ang gumaling at 12 ang madagdag sa confirmed cases.  Umakyat na sa 20,861 ang mga kaso ng COVID sa lungsod, kung saan 20,168 na ang gumaling at nanatili sa 540 ang bilang ng mga namatay. Merly Iral