2 patay sa bumulusok na improvised platform

2 patay sa bumulusok na improvised platform

August 4, 2018 @ 4:36 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Bumulusok mula sa ika-4 na palapag ang isang improvised platform sa isang ginagawang gusali sa Binondo dahil umano sa overload, na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa, habang 2 ang malubhang nasugatan kaninang tanghali (August 4).

Nakilala ang mga nasawing sina Eduardo Bermas, 60-anyos tubong Isabela at Rey Pajares, nasa 41-anyos ng Rodriguez Rizal, habang ligtas na sa kapahamakan, matapos magtamo ng mga bali sa katawan sina Efren Bantolo, 26 at Francis Bejo, 24.

Ang mga biktima ay pawang stay-in sa Policome Construction Development Corporation sa panulukan ng Lavezares St., at Sto. Cristo sakop ng Binondo.

Batay sa ulat ni Det. Joseph Kabigting, na isinumiti kay P/Sr.Insp. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 11:40 ng tanghali nang maganap ang insidente sa ginagawang gusali sa naturang lugar.

Salaysay ng iba pang kasamahan ng mga biktima, habang nagkakarga sila ng mga pinatuyong semento sa ginawa nilang improvised bangka at iniaahon nila’t kinakarga sa ginawa nilang platform,  nang bumulusok ito, sakay ang apat na biktima.

Dahil dito, masusing iniimbestigahan ng pulisya ang tunay na pangyayari, kung sino ang dapat managot sa insidente, habang nakaratay sina Bantolo at Bejo sa Jose Reyes Memorial Medical Center na sinasabing ligtas na sa kapahamakan. (Rene Crisostomo/ Revia Mae Sibal)