2 patay sa salpok ng pick-up

2 patay sa salpok ng pick-up

March 13, 2023 @ 12:20 PM 3 weeks ago


TUGUEGARAO CITY- Patay ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo matapos salpukin ng pick-up, kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Michael Alan, driver ng motorsiklo residente ng Brgy. Carig Sur at Mark Paul Taguinod, backrider at residente naman ng Brgy. Linao East, ng nasabing lungsod.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek at driver ng pick-up na kinilalang si Roderick Gaspar, nasa hustong gulang at taga Iguig.

Batay sa report ng Tuguegarao City-PNP, naganap ang insidente sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Carig Sur, Tuguegarao City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, kapwa binabaybay ng motorsiklo at pick-up ang nasabing kalsada ng lampasan ni Alan ang tricycle na nasa unahan nito.

Subalit, sinalubong sila ni Gaspar at nasalpok ang mga biktima.

Sa lakas ng pagkakabangga nawasak ang motorsiklo habang tumilapon sa kalsada ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumabas na nasa impluwensiya ng nakalalasing na alak ang suspek. Mary Anne Sapico