2 pekeng MTPB traffic enforcer na nangongotong, tiklo sa Pandacan

2 pekeng MTPB traffic enforcer na nangongotong, tiklo sa Pandacan

November 11, 2022 @ 3:27 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Special operation Group (SOG) ang dalawang lalaking nagpapanggap na traffic enforcer sa aktong nagmamando ng daloy ng trapiko at naninita ng mga truck sa Pandacan, Maynila.

Kinilala ni SMaRT Chief P/Maj. Edward Samonte ang mga suspek na sina Jeromie Millel y Calawin, 43, may-asawa, ng 416 Concha St., Tondo, Maynila at Rocky Macarian y Bernal, 34, may-asawa, ng 1901 Int., 61Bo., Barona, Pandacan, na kapwa dating miyembro ng MTPB ay inaresto dahil sa kasong paglabag sa Article 177 (Usurpation of Authority of Official Functions) na inamyendahan ng Republic Act 379 at Article 179 ng Revised Penal Code (Illegal Used of Uniform and Insignia)

Sa ulat ng awtoridad, naaresto ang mga suspek dakong alas-3:35 ng madaling araw nitong Biyernes, Nobyembre 11 sa Quirino Avenue malapit sa CleanFuel gasoline station sa Pandacan.

Nauna dito, nakatanggap na ng mga reklamo ang opisina ng MTPB hinggil sa iligal na aktibidades ng mga suspek sa nasabing lugar kung saan naninita ang mga ito ng mga motorista partikular na ang mga trailer truck at mga delivery van at kanila umano itong kinokotongan.

Ayon kay MTPB Chief of Operation Wilson Chan, nagsagawa sila ng operasyon laban sa mga “scalawag” na dating mga traffic enforcer na pinangunahan ng kanilang SOG katuwang ang mga tauhan ng SMaRT na nagresulta sa pagkaka-aresto sa mga suspek.

Nabatid na nakasuot pa ng uniporme ng MTPB ang dalawang suspek habang umaastang nag-aayos ng daloy ng trapiko sa nasabing pinangyarihang lugar kung saan may sinita pa sila na isang tanker truck.

Tinangka pang tumakas ng mga suspek makaraang tanungin ng mga lehitimong MTPB at ng mga tauhan ng SMaRT ang mga ito at nang maabutan ay wala silang maipakitang mga ID at mission order kaya’t agad silang pinosasan.

Ayon kay Chan, pangalawang beses na umanong naaresto ang suspek na si Millel dahil una na itong naaresto noong 2019 sa kaparehong kaso kung saan nakulong ito ng anim na buwan.

Aniya, sinisikap ng pamunuan ng MTPB na ayusin ang imahe ng kanilang departamento ngunit nadudungisan ito dahil sa mga katulad ng mga naarestong scalawag.

Pinaalalahanan naman ni Chan ang mga motorista partikular na ang mga delivery truck, trailer truck etc. na sakaling may sisita sa kanila, lalo na sa gabi o madaling araw, na MTPB enforcer ay maaari nila itong hanapan ng ID at inisyung mission order upang malaman na lehitimo ang mga ito. JAY Reyes