2 Pinoy itinalaga ni Pope Francis sa catechist ministry

2 Pinoy itinalaga ni Pope Francis sa catechist ministry

January 26, 2023 @ 6:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ipinagkaloob ni Pope Francis kamakailan ang mga ministri ng lektor at katekista sa 10 layko, kabilang ang dalawang Pilipino.

Sa news website ng Catholic Bishops of the Philippines o CBCP, inilagay ng papa ang mga bagong katekista — apat na lalaki at anim na babae — mula sa Pilipinas, Italy, Congo, Mexico at United Kingdom (UK) sa pagdiriwang ng ika-apat na taunang “Linggo ng Salita ng Diyos” noong Enero 22 sa St. Peter’s Basilica.

Ang mga Filipino ay ang 55 taong gulang na si Leon Asuncion at Norma Ramos, 55, mula sa Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila (CFAM).

Si Asuncion ay mula sa St. John the Baptist Parish sa San Juan City
kung saan siya ay naglilingkod bilang isang Pambihirang Ministro ng Banal na Komunyon.

Siya at ang kanyang asawa, si Juliefer, ay miyembro din ng Couples for Christ mula noong 2008. Sila ay biniyayaan ng apat na anak.

Mula noong 1992, siya ay nasa CFAM kung saan siya ay nagsilbi bilang katekista hanggang 2000.

Nagsilbi rin siya bilang isang area coordinator, ministry assistant para sa research and development at human resource development officer.

Mula noong 2019, siya ay naglilingkod bilang catechetical coordinator ng CFAM.

Sa kabilang banda, si Ramos ay isang catechist mula St. John Bosco Parish sa Tondo, Manila at volunteer servant ng Lord’s Flock Catholic Charismatic Community.

Simula 2009, siya ay naging head catechist sa CFAM.

Naging hosts din si Ramos sa “Katekesis Like Ko To” program na iniere sa Church-run Radio Veritas.

Pormal na itinatag ng Santo Papa ang ministeryo ng katekista noong 2021 matapos magpasyang buksan ang mga ministeryo ng lektor at acolyte sa kababaihan. Jocelyn Tabangcura-Domenden