2 pugante sa Calabarzon nasakote ng CIDG

2 pugante sa Calabarzon nasakote ng CIDG

December 2, 2022 @ 5:59 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang most wanted persons sa Region 4A o Calabarzon.

Ito ang iniulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Biyernes, Disyembre 2 kung saan ang suspek ay kinilalang sina Arnante Domingo, 24-anyos at isang construction worker na itinuturing na 10th most wanted person ng Police Regional Office sa Calabarzon.

Ayon pa kay CIDG chief, Brig. Gen. Ronald Lee, inaresto si Domingo sa ikinasang operasyon sa Barangay 7 Panungyanan sa General Trias City, Cavite nitong Huwebes, Disyembre 1.

May standing arrest warrant ang suspek ng two counts of rape na inilabas ng Trece Martires City Regional Trial Court (RTC) Branch 5 noong Nobyembre 8 na walang inirerekomendang piyansa.

Dinala na sa CIDG ang naaresto para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Samantala, naaresto rin si Jeffrey Moscosa sa Barangay Luzviminda 2, Dasmariñas City, Cavite nitong Miyerkules.

Mayroon naman na dalawang standing arrest warrants si Moscosa sa San Pedro, Laguna at Quezon City.

“Si Moscosa na sinasabing Top Most Wanted Person sa Region 4A ay wanted rin sa mga kasong Murder at Frustrated Murder in relation to RA 7610,” sinabi ni Lee.

Si Moscosa ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG sa Laguna.

“The operation is still part of an all-out operation launched by the CIDG against wanted persons in compliance with the directive of General Rodolfo Azurin to conduct extensive manhunt operations on criminals wanted by the law.” RNT/JGC