2 puganteng dayuhan naharang sa Manila, Cebu Airport

2 puganteng dayuhan naharang sa Manila, Cebu Airport

January 6, 2023 @ 3:49 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Manila at Cebu international airport ang dalawang takas na dayuhan na pinagbawalang pumasok ng bansa dahil sa pagiging undesirable aliens ng mga ito.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tangsingco, ang dalawang pasaherong dayuhan ay naharang noong Enero 2 at 3 pagdating pa lamang ng mga ito sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ang naaresto sa MCIA na si Reiner Reinhold Heber, 63, isang German national na isang convicted criminal na sinentensiyahan ng siyam na taong pagkakabilanggo

Si Heber ay agad na pinabalik nang dumating sakay ng China Airlines flight mula sa Taipei matapos na alertuhin ng mga BI Intelligence Officers ang mga immigration officers hinggil sa kanyang biyahe.

Hindi rin pinayagang makapasok ng bansa si Chen Qiaolin, 30, na sakay ng isang Philippine Airlines flight galing Kuala Lumpur.

Ang pangalan ni Chen ay ay nasa hit ng Interpol database, dahilan upang pabalikin siya sa Malaysia.

Sa impormasyon mula sa national central bureau (NCB) ng Interpol sa Manila na si Chen ay wanted sa China dahil sa human trafficking.

Maging sa public security bureau ng Feixi country sa Anhui province, China, si Chen ay nasangkot din sa telecommunications fraud at illegal online gambling activities.

Bukod dito, si Chen ay sangkot din sa pamemeke ng mga travel documents sa biktima ng human trafficking na nakapasok sa Malaysia, Cambodia at iba pang bansa.

“We believe that she might be part of an illegal human trafficking syndicate deploying Chinese workers illegally to other Asian countries,” ayon kay Tansingco.

“Hence her presence in the country poses as a threat to Filipinos,” dagdag pa nito. JAY Reyes