Manila, Philippines – Dalawang pulis Maynila ang inaresto habang apat na iba pa ang nakatakas sa isinagawang entrapment operation ng magkakasanib na pwersa ng Counter Intelligence Task Force, Intelligence Group at Manila Police District (MPD) kagabi.
Dinampot sa loob mismo ng tanggapan ng District Special Operation Unit ng MPD sina PO1 Erdie Bautista at PO1 MJ Cerilla habang nakatakas pa sina PO3 Michael Chavez, PO3 Dindo Encina, PO1 Arcadio Orbis at PO1 Martinico Mario.
Isang complainant ang nagreklamo sa CITF matapos umano dakpin ng mga inirereklamong pulis ang mister ng complainant at pitong iba pa na pinaghihinalaan namang sangkot sa human trafficking sa Sta. Mesa, Maynila.
Sa reklamo ng mga complainant, halagang P100,000 umano ang hinihingi ng mga pulis kapalit ng paglaya ng mga inaresto, ngunit naibaba ang naturang halaga sa P50,000.
Nabatid na hindi rin naibla-blotter ang pag-aresto sa walong katao at wala ring spot report na isinusumite sa Traffic Operation Center ng MPD kaugnay sa nasabing operasyon.
Hawak na ngayon ng CITF ang dalawang pulis na naaresto habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)