2 pulis sa Nueva Vizcaya instant kumadrona

2 pulis sa Nueva Vizcaya instant kumadrona

May 20, 2022 @ 3:00 PM 1 month ago


NUEVA VIZCAYA- Kahanga-hanga ang muling ipinamalas ng dalawang pulis na naka-duty na naging instant kumadrona matapos silang magpa-anak ng isang ginang na buntis na nagsilang isang babaeng sanggol sa loob ng kanilang patrol car.

Labis na pinasalamatan ni PCol. Ranser Evasco, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO ang dalawang miyembro ng Villaverde Police Station na sina Patrolman Jardin Paulo M Galima (Nurse) at Police Corporal Kennent L Cabanilla at mga iba pang mga naka duty sa nasabing himpilan dakong 6 kaninang umaga.

Madaling araw ng Mayo 20,2022 pa humihilab ang tiyan ng ginang kung saan ay kabuwanan na niya hanggang nitong huli ay nailuwal na niya ang kanyang anak sa tulong ng mga kapulisan.

Unang nagtungo sa birthing clinic ang ginang kasama ang kanyang mister na sakay ng traysikel ngunit nakita nila itong sarado kaya naisip nilang dumiretso sa himpilan ng pulisya upang magpahatid sana agad sa pinakamalapit na hospital.

Agad inasikaso ng dalawang pulis subalit bago pa man madala sa hospital ay pumutok na ang panubigan ng ginang kaya agad itong pinahiga sa likod ng mobile patrol car at doon na din lumabas ang sanggol.

Sa kabutihang palad ay nailuwal ang sanggol sa tulong ni Pat Galima na isang rehistradong nurse na siya lamang ang may karanasan sa pagpapaanak sa nasabing himpilan.

Ang mag ina ay nasa maayos na kondisyon at dinala agad sa birthing clinic para mabigyan ng tamang medikasyon.

Samantala, hangad ng kapulisan na makatulong at maisagawa ang mga programa at proyekto kabilang ang ‘Pulis niyo po Nurse niyo po’. Rey Velasco