2 rapist na TMWP sa Nueva Vizcaya, arestado

2 rapist na TMWP sa Nueva Vizcaya, arestado

December 11, 2022 @ 4:56 PM 2 months ago


NUEVA VIZCAYA – Arestado ang dalawang akusado sa panggagahasa o rape na tinaguriang nasa Top 1 at Top 4 Most Wanted Person o TMWP sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Bagabag at Bambang dito sa nasabing lalawigan.

Sa ipinarating na ulat kay PCol. Camlon Nasdoman, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO Provincial Director ang akusadong si Dennis Novida, 27 anyos, may kinakasama, isang condtruction worker at residente ng Sitio Immayos, Brgy. Bangar, Solano, Nueva Vizcaya at tinaguriang Top 1 Most Wanted Person provincial level.

Batay sa rekord ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Bagabag Police Station, si Novida ay wanted sa kasong panggagahasa sa isang 14 anyos na dalagita mula sa Brgy. Nangalisan, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Dakong 9:00 ng umaga ng maaresto ng pinagsanib na pwersa ng Bagabag Police Station sa pangunguna ni PMaj. Oscar Abrogena kasama ang Nueva Vizcaya Provincial Intelligence Unit (NVPIU), 1ST Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, 145 Special Action Company, 14 SAB, PNP-SAF ang suspek sa Brgy. Bangar, Solano, Nueva Vizcaya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Cicero B. Jandoc, Presiding Judge ng RTC Branch 29, Bayombong, Nueva Vizcaya para sa kasong rape na walang inirekomendang pyansa.

Habang si Edgentor Callado, 48 anyos, isang katutubo mula sa San Pablo, Alicia, Isabela at residente ng Brgy. San Fernando, Bambang, Nueva Vizcaya at Top 4 Most Wanted Person sa kasong statutory rape.

Si Collado ay may standing warrant of arrests sa kasong Statutory Rape at 9 counts of Rape at itinuturing na Top 4 Most Wanted Person.

Naaresto ang akusado sa Sitio Mapatang, Brgy. San Fernando, Bambang, Nueva Vizcaya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Cicero B. Jandoc, Presiding Judge ng RTC Branch 29, Bayombong, Nueva Vizcaya at walang inirekomendang pyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ayon kay PCol. Nasdoman, ang pagdakip sa mga most wanted persons ay bahagi ng masusi at patuloy na programang ipinapatupad ng pulisya para mabawasan ang mga salot ng lipunan na patuloy na guma¬gala at gumagawa ng krimen.

Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang akusado para sa kaukulang dukomentasyon at tamang disposisyon. Rey Velasco