Paranaque City – Patay ang dalawang motorcycle riders at nasa kritikal na kondisyon ang angkas ng isa sa mga biktima matapos magsalpukan ang kanilang minamanehong motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Paranaque City.
Sanhi ng matinding pinsala sa katawan, nasawi noon din ang mga biktimang nakilalang sina Raymart Rodriguez at Jericho Tabao, kapwa nasa hustong gulang.
Ginagamot naman sa Taguig-Pateros District Hospital dahil sa kritikal na kondisyon ang angkas ni Tabao na si Roger Peralta.
Sa inisyal na report ng Paranaque City Traffic Bureau, naganap ang insidente alas-11:55 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng East Service Road ng naturang lungsod.
Minamaneho ni Rodriguez ang kanyang motorsiklo at papunta ito sa area ng Bicutan at habang binabagtas nito ang naturang lugar ay nag-counterflow umano ito.
Samantalang si Tabao naman ay lasing umano habang nagmamaneho at angkas nito si Peralta at dahil mabilis ang pagpapatakbo nito ay hindi nila nakontrol ang preno at nagsalpukan sila ni Rodriguez.
Sa lakas nang pagkakabangga ay tumilapon ang mga biktima na naging sanhi nang agarang kamatayan nina Rodriguez at Tabao.
Mabilis namang isinugod ng rescue team sa nabanggit na ospital ang duguang si Perlata.
Sa pahayag ng pulisya dahil sa fast lane ay madalas umano ang aksidente sa East Service Road.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang naturang aksidente. (James I. Catapusan)