2 sama ng panahon magpapaulan sa Pinas

2 sama ng panahon magpapaulan sa Pinas

October 18, 2022 @ 6:37 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Dalawang weather disturbances ang binabantayan ng PAGASA ngayong Martes na makaaapekto sa bansa.

Alas-3 ng madaling araw  tinatayang nasa 1,140 kilometro silangan ng Northern Luzon ang isang Low Pressure Area (LPA).

Binabantayan din ng weather bureau ang aktibong tropical cyclone sa labas ng Philippine Area of ​​responsibility (PAR), ang Bagyong Nesat (dating Neneng), na matatagpuan sa layong 650 kilometro sa kanluran ng hilagang Luzon na may lakas ng hangin na 140 kilometro bawat oras malapit sa gitna, pagbugso ng hanggang 170 km/h, at kumikilos pakanluran timog-kanluran sa bilis na 15 km/h.

Samantala, ang Batanes at Babuyan Islands ay makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog na dulot naman ng Northeasterly Surface Windflow na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Palawan, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa Southwesterly Surface Windflow na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa Southwesterly Surface Windflow at mga localized thunderstorm na may posibleng flash flood o landslide sa panahon ng matinding pagkulog. RNT