2 Siargao surfer wagi sa 26th int’l tourney

2 Siargao surfer wagi sa 26th int’l tourney

October 18, 2022 @ 11:56 AM 2 months ago


BUTUAN CITY – NASUNGKIT ng dalawang local surfer mula sa Siargao Island sa men’s at women’s qualifying series 1000 ng 26th Siargao International Surfing Competition sa Cloud 9 Surfing Site nitong Lunes sa nasabing isla.

Nakuha muli ni John Mark Tokong, ang championship matapos makuha sa final round ng men’s qualifying series 1000 laban kay Oney Anwar ng Indonesia.

Si Tokong ay nanalo sa 25th Siargao International Surfing Competition noong 2019 bago natigil ang serye ng dalawang taon dahil sa pandemya.

Ang isa pang surfer mula sa Siargao na si Philmar Alipayo, ay pumangatlo, at si Robert Magaluna ay nakuha naman ang ikaapat na puwesto.

Inuwi ni Tokong ang prize ang USD2,500 habang si Anwar ay nakakuha ng USD1,500 na premyo para sa pangalawang pwesto.

Sa women’s qualifier series 1000, nasungkit ni Nilbie Blancada, tubong Siargao, ang championship crown na may cash prize na USD2,500.

Tinalo ni Blancada ang Japanese surfer na si Anon Matsuoka na nakakuha ng pangalawang puwesto na may premyong USD1,500.

Naging kampeon din si Blancada ng katatapos lang na 1st Mayor Sol’s National Surfing Competition.

Dalawa pang babaeng surfers mula sa Japan, sina Nanaho Tzusuki at Sumomo Sato, ang nakakuha sa ikatlo at ikaapat na puwesto.

Labis naman ikinatuwa Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco Jose Matugas II ang pagkapanalo nina Tokong at Blancada na isang malaking karangalan sa bansa.

“Congratulations to our very own John Mark ‘Marama’ Tokong. Salamat sa pagpapalaki sa ating lalawigan at sa ating bansa,” pahayag ni Matugas.

Kabilang ang tanggapan ng mambabatas, lokal na pamahalaan ng Gen. Luna, World Surfing League (WSL), at ng United Philippines Surfing Association (UPSA) sa matagumpay na ginanap na malakihang surfing event.

Pinasalamatan rin ng UPSA ang dalawang nanalo, gayundin ang iba pang mga surfers na sumali sa kompetisyon.

“Siya (Tokong) ang aming unang back-to-back champion dito sa Pilipinas mula nang manalo sa 2019 Siargao International Cup,” pahayag ng UPSA.

Umayon kay Tokong ang swerte dahil sa sunod-sunod na panalo nito mula nang makuha ang 2022 Phuket Beach Festival championship para sa men’s shortboard sa Thailand.

“What an amazing journey going into the finals, from facing off with the best from Japan and Indonesia and even taking on fellow Siargao legend, Philmar Alipayo, before proceeding to battle it out on a pumping Cloud 9 with Indonesian favorite, Oney Anwar,” ani UPSA.
Inilarawan din ng UPSA ang pagkapanalo ni Blancada bilang babaeng surfer dahil sa taglay na galing na ipinamalas nito sa pagsunod sa mga alon.

Tumatak rin ang women’s qualifying series 1000 sa women’s surfing sa bansa./Mary Anne Sapico